Biglaan kitang nakilala. Biglaan ka ring nawala.
#HugotSnapPoetry
Sa dinami-rami ng mga taong nasa paligid natin, bakit tayo na magkalayo ang ipinaglapit?
Marami namang iba dyan ngunit masyadong mapaglaro itong si tadhana, ipinagtagpo niya ang dalawang taong hindi magkatugma.
Hindi tayo agad nagkasundo.
Hindi tayo agad nagkaroon ng usapang matino. Dahil iba ka't iba ako.
Ikaw yung tipong manloloko.
Ako naman yung tipong seryoso.
Ikaw yung tipong mapang-asar.
Ako naman yung tipong pikunin.
Ikaw na mahilig sa sigarilyo.
Ako naman na walang bisyo.
Ikaw na gusto ang ganito,
gusto ang ganyan.
Ako naman kuntento sa kung anong meron ako.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses mokong napikon. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses kitang pinagmumura at napagsabihan.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito,
mas pinili kong kilalanin ka kesa ipagtabuyan dahil alam kong may maibubuga pa ang isang taong tulad mo na nakakairita sa paningin ng mga tao.
Hindi pa tayo nagkikita, memoryado ko na agad ang iyong mukha ngunit tila ito'y nagiging malabo na.
Hindi pa kita nakakausap harap-harapan ngunit alam ko na ang tono ng boses mo.
Hindi kita kailanman naging kaklase ngunit alam kong magaling kang sumagot sa mga tanong tungkol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tanda mo ba noong hinamon mo ako dati tapos natalo mo pako?
Hindi pa kita nakakasama ngunit alam kong malakas kang mang-yamot kaya labis ang pagkainis sayo ng mga tao.
Hindi ko alam ang mga pangarap mo sa buhay ngunit alam kong gusto mong maging sundalo.
Hindi mo pa ako napupuntahan, ngunit tila umalis kana agad.
Hinahanap-hanap ko ang tawag mo tuwing papatak ang alas otso ng gabi. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hinahayaan ko na makausap ka ng matagal kahit wala namang saysay ang ating usapan.
Hindi ko alam kung ano ang ipinakita mo sa'kin. Sadyang inaasar mo lang ba ako tuwing sinasabi mong mahal mo'ko?
Naaalala mo rin ba noong nagpakilala ka sa nanay ko na boyfriend kita? Ang kapal talaga ng mukha mo, ang yabang mo pa.
Tapos naaalala mo rin ba tuwing tinatanong ko sayo kung bakit maayos kang kausap dahil hindi ako sanay dun, at isasagot mo sa'kin ay "Tumitino kasi ako pag kausap kita."
Biglaan kitang nakilala.
Biglaan ka ring nawala.
Hindi ko alam kung biro lang ang lahat o ako itong nagkamali dahil sineryoso ko ang hindi dapat seryosohin?
Hindi ko talaga alam kung may karapatan akong tanungin sayo kung ano ba tayo o ako lang itong tanga na masyadong naniwala na may "tayo" kahit wala naman?
Ikaw ang epal ng buhay ko
ngunit sino ba ako para sa'yo?
Sa dinami-rami ng tao sa daigdig bakit ikaw pa na walang pakialam ang namimiss?
- Shela
0 comments