Bago kita tuluyang makalimutan.


#SpokenWordPoetry

Bago kita kalimutan, iisipin ko muna yung mga araw na patuloy mo kong binabalewala.
Yung mga araw na pinili mong magpasawalang bahala.
Yung mga araw na pinili mong magseen kahit active ka naman.
Yung mga araw na pinili mong hindi magreply sa mga mensaheng paulit ulit kong pinapadala sayo.

Bago kita kalimutan, naisip ko, balang araw, iba na yung aayain mong kumain ng disoras ng gabi.
Iba na yung kamay na pilit mong hahawakan kahit hirap kang kumambyo at magmanibela.
Iba na yung aasarin mo ng todo.
Iba na yung babaeng tatanungin mo kung masaya at nabusog ba sa mga kinain niyo.

Bago kita kalimutan, hindi ko alam kung naisip mo na ba 'to.
Na sa tuwing mainit ang ulo mo, tumitiklop na agad ako.
Na sa tuwing nalulungkot ka, mas nalulungkot akong walang akong magawa.
Na sa tuwing bumubuhos sa'yo ang problema, mas doble ang nais kong pasayahin ka.

Bago kita kalimutan, naisip ko na lang, may mga araw rin palang tayo'y naging masaya.
Yung mga araw na hatinggabi na pero kumakain pa rin tayo sa may Maginhawa.
Yung mga araw na gabi na't ang langit ay malamlam pero wala tayong pakialam.
Yung mga araw na para tayong mga batang tuwang tuwa't ngayon lang makakapanood ng pelikula.

Bago kita kalimutan, naisip ko, panigurado matatagalan pa 'to.
Panigurado, maiisip pa rin kita tuwing magigising ako't mag-isang kakain sa gabi.
Maiisip pa rin kita tuwing may bwisit na driver na kala mo natatae kung magmadali.
Maiisip pa rin kita tuwing may bagong labas na pelikula ang Marvel at DC.

Pero okay lang ako. Panigurado.

Bago kita tuluyang kalimutan, kailangan ko lang balikan lahat ng 'to,
Para maisip kong sulit naman pala ang mga panahong ginugol ko sa'yo.

—Mayu

You Might Also Like

0 comments